CAUAYAN CITY – Nakabantay ang Department of Agriculture o DA Region 2 sa posibleng pagbaba ng suplay ng luya sa mga susunod na buwan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Regional Executive Director Rose Mary Aquino ng DA Region 2 sinabi niya na sa Setyembre pa ang anihan ng mga magsasaka ng luya kaya inaasahan na nila ang pagbaba ng suplay sa mga susunod na buwan bago ang anihan.
Sa kasalukuyan ay wala pa naman silang namomonitor na pagkukulang ng suplay sa rehiyon kumpara sa ibang lugar tulad ng Metro Manila na tumaas na ang presyo ng luya.
Sa ngayon ang presyo ng native na luya sa Nueva Vizcaya Agricultural Terminal Inc. O NVAT ay aabot sa 55-65 pesos ang per kilo habang ang ibang variety ay nasa 80-90 pesos ang per kilo.
Nilinaw naman niya na sa mga susunod na buwan pa maaring maranasan ang pagbaba ng suplay dahil planting season pa lamang ng mga magsasaka.
Bumababa lamang aniya ang suplay kapag hindi pa panahon ng anihan bagamat may mga nagtatanim naman sa off season.
Tiniyak ni Regional Executive Director Aquino ang pagtutok ng Agribusiness and Marketing Division sa pagtaas ng presyo para sa maaring gawing solusyon ng Kagawaran.