Nakatakdang magpamahagi ng binhi ng mais ang Department of Agriculture sa ilang mga magsasaka sa Region 2 na bahagi ng Corn Production Enhancement Project ng Kagawaran.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Roberto Busania, Regional Technical Director ng DA Region 2, nilinaw niya na 55,200 bags ng corn seeds lamang ang kanilang allocation na sasapat para sa 27,000 hektarya ng maisan.
Aminado sila na mas maliit ang allocation ng kagawaran para sa binhi ng mais dahil sa kakulangan ng pondo at hindi nito kayang punan ang kabuuang 230,000 na hektarya ng maisan ng buong Lambak ng Cagayan.
Mayorya ng kanilang allocation para sa corn seeds ay mapapamahagi sa Isabela na may pinakamalawak ng maisan sa buong Region 2 na susundan naman ng Cagayan at Quirino.
Prayoridad aniya nilang bigyan ang mga magsasaka na nasa prime land o patag ang kanilang maisan kung saan Local Government Unit (LGUs) na ang bahala sa recommendation ng mga magsasakang mabibigyan ng libreng binhi ng mais.
Maliban sa corn seeds ay mamamahagi rin sila abono sa mga magsasaka – tig-isang Urea at Complete Fertilizer.
Sa kabuuan ay aabot lamang sa 68,246 bags ang kanilang maipapamahaging abono.
Aniya, magkakaroon ng bahagyang problema sa suplay ng abono sa bansa dahil sa pahayag ng China na hindi na muna ito mag-eexport ng Abono partikular ang Triple 14.
Gayunpaman ay maaari naman umanong mag-import ang bansa ng abono mula sa mga malalaking fertilizer supplier gaya ng Brunei, Belgium, Norway at iba pa upang mapanatili ang suplay ng abono sa bansa.











