
CAUAYAN CITY – Umabot na sa tatlong daan at tatlumput anim na sentinel pigs ang naipamahagi ng DA Region 2 sa ilang backyard hograisers na naapektuhan ng African Swine Fever o ASF.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Regional Technical Director Robert Busania ng DA Region 2 sinabi niya na bilang testing kung maaari nang mag alaga ang mga hograisers sa kanilang farm o kulungan ay namahagi ang kagawaran ng 336 na sentinel pigs.
Ito ay introduksyon lamang at may susunod pang pamamahagi para sa karagdagang hograisers na makakatanggap ng baboy at feeds.
Aniya kung hindi mamamatay ang baboy sa loob ng apatnapung araw ay maaari nang simulan ng hograiser ang mag alaga muli ng baboy sa loob ng kanyang kulungan.
Kailangang hindi muna full capacity ang Ilalagay na aalagaan upang hindi malaki ang lugi kapag may natitira pang virus sa lugar at ma-infect ang mga baboy.
Ayon kay Regional Technical Director Busania sa una ay isa lamang ang ibibigay na baboy at kapag pumasa ang hograiser sa testing ay mabibigyan siyang muli ng karagdagang tatlong baboy.
Ang isa rito ay magiging inahin habang ang dalawa ay para sa fattening o pangbenta.
Maliban sa sentinel pigs ay magbibigay rin ang kagawaran ng vitamins at labindalawang feeds na kinabibilangan ng apat na starter,apat na grower at apat na finisher.
Inaasahan naman ng DA Region 2 na matatapos ang pamamahagi ng sentinel pigs sa mga hograisers hanggang buwan ng Oktubre o Nobyembre.
Nilinaw naman ng Kagawaran na hindi pa kabilang dito ang mga indemninfication na matatanggap ng mga hograisers na apektado culling dahil sa ASF.
Kasalukuyan pang hinihintay ang pondo para sa nasabing programa muli sa pamahaang pambansa.










