--Ads--

CAUAYAN CITY – Nanawagan ang Department of Agriculture (DA) Region 2 sa publiko na huwag ng buksan ang kanilang na-hack na FB Page at i-unfollow na lang.

Sa naging panayan ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Hector Tabbun, Chief ng DA-Regional Agricultural and Fisheries Information Section na na-hack ang kanilang facebook page noong April 20, 2023, matapos ang kanilang C2 Summit sa Iguig, Cagayan.

Noong una ay nakapag-upload sila ng kanilang aktibidad ngunit nang mag-upload muli sila ay napasok na ng hacker ang kanilang page.

Dito na tinanggal ang mga administrator ng DA Region 2 na agad nilang kinonsulta sa kanilang IT experts ngunit hindi na nabawi dahil pinalitan na agad ang kanilang E-mail Address.

--Ads--

Iniulat na rin nila sa Police Regional Office 2 (PRO2) at tumutulong na ang kanilang cyber crime division na agad nakipag-ugnayan sa pamunuan ng Facebook Philippines.

Nanawagan sila sa publiko na kung ma-access ang kanilang FB Page at makita na may malalaswang content ay i-unfollow na lang o kaya ay ireport sa facebook Philippines upang ma-aksyunan agad.

Samantala, ang isa sa tinitingnan nila ay ang posibleng mga nagpa-pop-up na link na nabuksan ang sanhi ng pagkakahack ng kanilang account.

Tinig ni Hector Tabbun, Chief ng DA-Regional Agricultural and Fisheries Information Section.

Nagpaalala siya na ang pinaka-rampant ngayon sa pag-hack ng account ay ang mga tinatawag na click bait advertisement na kapag nabuksan ay maaring manakaw ang password.

Samantala, inihayag ni PLt. Jovanie Daniel, Chief Operations Section ng Regional Anti-Cyber Crime (RACCU) 2 na ipinaalam na nila sa kanilang national headquaters ng Anti Cyber Crime Division ang pagkaka-hack ng FB Page ng DA Region 2 at iniulat na rin nila sa Facebook Philippines upang matake-down na ang naturang account.

Pinayuhan niya ang publiko na huwag ng pansinin ang mga kaduda-dudang mga ipinapadalang link upang maiwasan na ma-hack ang account.

Mayroon din aniyang nagtutungo at tumatawag sa kanilang tanggapan upang iulat na nahack ang kanilang account.

Kailangang iulat din na na-hack ang account para kapag nagamit sa illegal na gawain ay mapapatunayan na hindi sila ang nagsend ng mga messages.

Tinig ni PLt. Jovanie Daniel.