--Ads--

Puntirya ng Department of Agriculture o DA Region 2 na makapamahagi ng mga zero energy cool chamber sa lahat ng LGU sa rehiyon dos.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Science Research Specialist 2 MaryJane Ibarra ng Cagayan Valley Research Center o CVRC ng DA Region 2 sinabi niya na unang nag-adopt sa nasabing proyekto ang mga farmer beneficiaries sa bayan ng Aurora at sa ngayon ay nasa labindalawang units na ang kanilang naipamahagi sa mga trading centers at mga asosasyon sa rehiyon.

Aniya inisyal pa lamang ang mga ito dahil batay kay Regional Director Rosemary Aquino, lahat ng mga LGU sa rehiyon ay mabibigyan ng zero energy cool chambers o ZECC.

Ang bagong imbensyon ng kagawaran ay para mapahaba ang “shelf life” ng mga highly perishable vegetables and fruits tulad ng kamatis.

--Ads--

Ayon sa CVRC, ilang taon din ang ginugol ng kanilang research team bago mabuo ang isang evaporative cooling chamber system na ito.

Kapag ang kamatis ay inimbak sa ZECC, ay magtatagal ito ng hanggang 31 araw at napapanatili nito ang kintab, tingkad ng kulay at lutong nito.

Samantala kapag nasa room temperature lamang ito ay tatlong (3) araw palang ay nagsisimula ng lumambot at pumupusyaw na ang kulay.

Layunin ng Zero Energy Cool Chamber o (ZECC) na wala nang masasayang o maitatapong ani ng mga magsasaka.

Plano rin ngayon ng DA na mas lakihan pa ang size ng mga cooling chambers upang mas maraming gulay ang maiimbak at hindi nasasayang lamang dahil sa pagkasira.

Inanyayahan naman niya ang mga magsasaka na nais magkaroon o sumubok ng nasabing zero energy cooling chamber na sumulat o magpadala lamang ng mensahe sa kanilang regional director para maituro sa kanila ang paggawa ng chamber.

Tiniyak niya na libre ang pagtuturo nito at may iba pang teknolohiya na maipapasa sa kanila kapag nais nilang gumamit nito.