
CAUAYAN CITY – Inaasikaso na ng Department of Health (DOH) region 2 ang karagdagang insentibo para sa mga health workers sa rehiyon.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Rio Magpantay, Regional Director ng DOH Region 2, sinabi niya na mayroon nang premium na ibinibigay sa mga bagong kawani habang ang iba ay may hazard pay.
Gayunman ay titingnan din nila ang kanilang insentibo na karaniwang naibibigay tuwing huling bahagi ng taon.
Bukod dito ay maibibigay din ang lahat ng kanilang mga pangangailangan para maprotektahan ang kanilang sarili sa COVID-19.
Ayon kay Dr. Magpantay, bihira ang umaalis sa mga health workers sa rehiyon at naniniwala siyang dahil ito sa kanilang dedikasyon sa trabaho.
Dagdag niya na magkakaroon ng hiring sa mga health workers sa region 2 ngunit mas marami sa mga lugar sa bansa na may maraming kaso ng COVID-19.




