CAUAYAN CITY– Humagulhol ng iyak ang isang dalaga makaraang mabiktima ng paghohold-up at taninangkang gahasain ng 2 lalaki sa boundary ng Barangay Villa Fermin at Barangay San Manuel, Echague, Isabela.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan sa biktima na itinago sa pangalang Noemi, 25 anyos, dalaga at isang collector, sinabi niya na siya ay ginapos sa kamay at paa sa pamamagitan ng sintas ng kanyang sapatos.
Hinila ng isang suspek ang biktima sa talahiban kung saan may isa pang lalaki ang naghihintay at dito kinapkapan siya sa kanyang iba’t ibang bahagi ng katawan at inalis din anya ang kanyang damit.
Nang siya umano ay pakawalan ng mga suspek ay tumakbo siya patungo sa Barangay San Manuel
Sa panayam naman ng Bombo Radyo Cauayan kay Barangay Tanod Marlyn Agulay ng Barangay San Manuel, sinabi niya na sakay sa motorsiklo patungong Barangay San Manuel ang biktima nang parahin siya ng isang lalaki na may suot na maskarang damit.
Anya, hinila umano ang biktima sa talahiban, piniringan ang mga mata, itinali ang mga kamay at paa at bago umalis ang mga suspek ay kanila umanong pinagbantaan na babalikan ang biktima kung magsusumbong.
Nagpasalamat ang dalaga dahil hindi siya pinatay at hindi ginahasa ng 2 suspek.
Natangay ng 2 suspek mula sa biktima ang koleksyon nito na P/14,000.00.