--Ads--

CAUAYAN CITY – Natagpuan sa Roxas Isabela ng mga kasapi ng Luna Police station ang dalawang kalabaw na napaulat na nawawala sa Barangay Mambabanga.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCapt. Juanito Garcia, Deputy Chief of Police ng Luna police station sinabi niya na nagtungo sa kanilang himpilan si Rolly Reginaldo, isang magsasaka at residente ng Mambabanga, Luna Isabela, upang iulat ang nawawala nitong kalabaw.

Batay sa ulat ng biktima dalawang kalabaw nito ang nawawala mula pa noong ikadalawampu’t dalawa ng Pebrero.

Agad aniya silang nagsagawa ng pagsisisyasat at natuklasan na ang mga ninakaw na kalabaw ay idinaan sa Pambansang lansangan at nahagip ito ng CCTV camera.

--Ads--

Mula sa mga kuha ng CCTV camera ay nagsagawa sila ng tracing at natukoy na nagtungo sa San Antonio, Roxas Isabela ang mga pinaghihinalaan.

Tinutukan nila ang kalapit barangay ng San Antonio at noong ikadalawampu’t apat ng Pebrero ay nahanap nila ang isa sa nawawalang kalabaw sa Nueva Era, Roxas, Isabela.

Kahapon ay natagpuan naman nila ang isa pang kalabaw sa Sitio Buragit, San antonio Roxas, Isabela kung saan nakita rin ang ginamit na kariton.

May natukoy na ring person of interest ang pulisya at patuloy na sinisiyasat ang kaso upang malaman kung may grupo na kinabibilangan ang suspek na nasa likod ng pagnanakaw ng kalabaw sa bayan ng Luna.