
CAUAYAN CITY – Dalawang rebelde ang nasawi matapos ang magkasunod na engkwentro kahapon sa bahagi ng Barangay Sta. Margarita, Baggao.
Nagpapatrolya ang mga kasapi ng 17th Infantry Battalion sa kagubatang sakop ng Barangay Sta. Margarita nang makasagupa ang tinatayang labinlimang miyembro ng Komiteng Probinsya Cagayan-Komiteng Rehiyon-Cagayan Valley.
Nagtagal ang sagupaan ng mahigit tatlumpung minuto na nagbunga ng pagkasawi ng isang NPA at pagkakarekober ng isang M16A1 na may magazine.
Matapos nito ay agad na tumakas ang mga rebelde.
Agad namang nagsagawa ng pursuit operation at muling natunton ng tropa ng 17IB ang mga NPA.
Sa ikalawang pagkakataon ay nagkaroon ng sagupaan na nagtagal ng labinlimang minuto.
Muli ay isang miyembro ng teroristang grupo ang nasawi at isang Bushmaster rifle na may magazine ang narekober.
Samantala, nanawagan ang NTF-ELCAC Cagayan sa mga natitira pang miyembro ng teroristang grupo na magbalik-loob na sa pamahalaan dahil kailanman ay walang patutunguhan at pagsasayang lamang ng buhay ang kanilang huwad na pinaglalaban.










