Hindi na nakapagtimpi ang content creator at businesswoman na si Dani Barretto at sinagot ang kanyang dating stepdad na si Dennis Padilla matapos ang naging komento nito sa isang podcast post tungkol sa kanilang pamilya.
Nag-ugat ang sagutan sa naging salaysay ni Dani tungkol sa naranasan nilang sigawan at tensyon noong bata pa sila sa piling ng kanilang ina na si Marjorie Barretto. Nagkomento si Dennis at sinabing handa siyang maglabas ng “point by point” na sagot at iginiit na hindi buo ang alam ng anak ni Marjorie sa kanilang kwento.
Bilang tugon, iginiit ni Dani na magkakasama sila noon sa iisang bahay at saksi sila sa umano’y madalas na sigawan ni Dennis sa loob ng kanilang tahanan at maging sa pampublikong lugar.
Inilahad din niya na kaya umano walang komunikasyon ang ilang anak ni Dennis sa kanya ay dahil sa naging ugali nito sa kanila. Sa ngayon, wala pang bagong pahayag ang aktor kaugnay sa matinding sagot ni Dani.





