--Ads--

CAUAYAN CITY – Ibinunyag ni Senador Risa Hontiveros ang umanoy ugnayan ng dating opisyal at na-convict sa Priority Development Assistance Fund (PDAF) scam na si Dennis Cunanan sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa Bamban, Tarlac at Porac, Pampanga.

Sa Facebook post ngayong araw (June 17,2024), ipinakita ni Senator Hontiveros ang dalawang dokumento kung saan nagsilbi umanong authorized representative si Cunanan para sa Hong Sheng Gaming Technology Inc. sa Bamban at sa Lucky South 99 Limited Co. sa Porac.

Kamakailan lamang ay ni-raid ang naturang dalawang POGO companies dahil sa mga alegasyon ng human trafficking, pang-aabuso at iba pa umanong mga kriminal na aktibidad dito.

Matatandaan na noong 2023 nang ideklarang guilty umano ang dating Technology and Resource Center Director General na si Cunanan kaugnay ng pagkakasangkot niya sa PDAF scam. Sinentensyahan siya ng 26 taong pagkakakulong.

--Ads--

Dahil dito ay nakatakda umanong imbitahan si Cunanan sa susunod na pagdinig ng Senado upang maipaliwanag ang naturang pagkakadawit nito sa POGO.

Giit pa ng senadora na hindi umano nawawala ang POGO sa Pilipinas dahil maaaring may mga binabayaran silang mga opisyal ng pamahalaan.

Si Senator Hontiveros ang chairperson ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations, and Gender Equality na nag-iimbestiga sa umano’y pagkakasangkot ni Bamban Mayor Alice Guo sa POGO scams.