--Ads--

Idineklarang may kakayahang humarap sa paglilitis si dating Pangulong Rodrigo Duterte matapos tiyakin ng International Criminal Court o ICC na kaya nitong gamitin at ipagtanggol ang kaniyang mga karapatan sa patas na paglilitis.

Batay sa desisyon ng ICC Trial Chamber III na inilabas nitong Huwebes, Oktubre 8, sapat at kapani-paniwala ang ulat ng expert panel upang matukoy na kaya ni Duterte na makilahok sa mga paglilitis at maunawaan ang mga kasong kinakaharap niya.

Bagama’t hindi inalis ng mga eksperto ang posibilidad ng ilang nagsisimulang clinical condition at sinabing maaaring makatulong ang karagdagang pagsusuri, nagkakaisa umano sila na nauunawaan ni Duterte ang mga kaso laban sa kaniya, ang proseso ng korte at mga ebidensiyang ihaharap.

Nauna nang humiling ang kampo ni Duterte ng karagdagang medical examination matapos igiit ng kaniyang abogado na nakitaan umano ang dating pangulo ng malaking problema sa memorya.

--Ads--

Nilinaw naman ng ICC na ang pagiging fit to stand trial ay hindi nakabatay lamang sa pagkakaroon ng isang kondisyong medikal, kundi sa kakayahan ng akusado na epektibong gamitin ang kaniyang mga karapatan sa paglilitis.

Nakatakdang simulan ang paglilitis kay Duterte sa Nobyembre 30, 2026. Inatasan na rin ng Trial Chamber III ang ICC Registry na gumawa ng mga kinakailangang hakbang upang mapadali ang kaniyang paglahok sa mga pagdinig.

Kabilang sa mga inirekomendang espesyal na hakbang ang pagdaraos ng mga pagdinig sa tig-iisang oras na sesyon, posibilidad ng pagdalo ni Duterte sa pamamagitan ng video link mula sa ICC Detention Centre, at patuloy na pagsubaybay sa kaniyang kalagayan.

Maaari rin umanong baguhin ang oras ng mga pagdinig depende sa kalagayan ng mga testigo at ng akusado, habang patuloy na iuulat sa korte ang mga impormasyong medikal alinsunod sa mga patakaran ng ICC.