CAUAYAN CITY– Sakit sa puso ang nakikitang dahilan ng pagkamatay ng dating manlalaro ng Philippine Basketball Association (PBA) na si Eric Suguitan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan sa ina nitong si Ginang Feliza Suguitan, dati na umanong naoperahan ang kanyang anak dahil sa komplikasyon nito sa puso noong taong 2015 dahilan upang hindi na nito itinuloy ang kanyang paglalaro ng basketball sa PBA.
Nag-coach na lamang siya sa mga estudyanteng manlalaro gayunding nagturo bilang guro sa isang paaralan sa Cauayan City.
Dahil nalalapit na ang Deped Regional Invitation Sports Events (RISE) na gaganapin sa Cauayan City isa umano si Suguitan sa mga coaches ng mga manlalaro mula sa dibisyon ng Cauayan kaya naka-inhouse training sa San Fermin Elementary School.
Ngunit dahil sa paggunita ng Semana Santa ay umuwi noong araw ng Miyerkules sa kanilang bahay sa bayan ng Naguilian at noong araw ng Huwebes ay nakaramdam ng pananakit ng tiyan.
Ikinonsulta nito sa kanyang mga doktor ang kanyang kalagayan at pinayuhan naman siya ng iinuming gamot subalit sumasakit pa rin kaya nagpasya ang nakatatandang kapatid ni Suguitan na iuwi sa kanilang bahay sa Reina Mercedes.
Hindi na sumama si Gng. Feliza Suguitan sa Reina Mercedes dahil nagtungo sa simbahan at kinaumagahan, araw ng Biyernes Santo ay sinabi umano ng nakatatandang anak nito na maayos naman ang lagay ng kanyang kapatid at wag na itong dapat ipag-alala.
Ngunit ng tanghali ng gigisingin upang kumain ay wala na itong buhay.
Samantala, hindi na nila ipina-autopsy ang labi ng kanyang anak dahil kumbinsido silang namatay dahil sa kanyang sakit sa puso.
Nasa lahi na umano ng Suguitan ang sakit sa puso dahil ito rin ang ikinamatay ng kanilang ama at isa pang nakatatandang kapatid ni Suguitan maging ang iba pa nilang mga kaanak sa father side.
Bumuhos naman ang tulong at pakikiramay mula sa mga kaibigan, ka trabaho at dating kasamahan ni Suguitan sa PBA.