CAUAYAN CITY – Inihahanda na ang kasong frustrated murder laban sa isang dating sundalo na nasa likod ng pamamaril sa isang manggagawa sa Brgy. Maddiangat, Quezon,Nueva Vizcaya.
Ang nasugatan ay si Russel John Pacis habang ang suspek ay si Edwin Cabungay, 47 anyos, may asawa, dating sundalo at ngayon ay security guard na kapwa residente ng naturang lugar.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay P/Chief Insp. Jennifer Flores, hepe ng Quezon Police Station, kanyang sinabi na nag-ugat ang pamamaril matapos magsumbong ang isang Eugene Gatiwan na pamangkin ng suspek dahil sa umano’y pananakit sa kanya ng biktima.
Una rito ay nag-iinuman ang biktimang si Pacis at Gatiwan nang magkaroon ng hindi pagkakaunawaan sa hindi pa mabatid na dahilan.
Hindi umano matanggap ni Gatiwan ang ginawa sa kanya ng biktima kaya isinumbong na niya sa suspek na si Cabungay na noon ay nasa impluwensya rin ng nakalalasing na inumin.
Agad namang tinungo ng Cabacungay ang biktima at pinagbabaril gamit ang hindi pa mabatid na uri ng baril.
Nagtamo ng mga sugat sa kamay at paa ang biktima na agad dinala sa pagamutan.
Agad namang nadakip si Cabungay ng mga otoridad habang hinahanap ang baril na ginamit nito.




