--Ads--

Isang lalaki mula Idaho, Estados Unidos na may hawak na mahigit 200 Guinness World Records titles, ang umabot ng limang buwan sa pagsasanay bago tuluyang makapagtala ng bagong record sa mabilisang pag-flip ng mga plastic cup.

Si David Rush, na sinasabing may pinakamaraming magkakasabay na Guinness World Records titles, ay nagsimulang subukang basagin ang record para sa pinakamabilis na pag-flip ng 10 tasa matapos itong maging hamon sa pagitan niya at ng kaniyang katrabaho na si Alex.

Ayon kay Rush, inakala niyang matatapos niya agad ang challenge sa loob lamang ng ilang linggo.

Ngunit naging mas mahirap umano ito kaysa sa kaniyang inaasahan dahil kinakailangang mapunta nang nakataob ang lahat ng 10 tasa sa bawat pagtatangka.

--Ads--

Matapos ang ilang linggong pagsasanay, nasa 50 porsyento lamang umano ng mga tasa ang regular niyang naipapaling nang tama, na hindi sapat upang makumpleto ang buong challenge.

Dahil dito, nagpatuloy pa siya sa pagsasanay sa loob ng limang buwan, hanggang maging mahusay na rin umano sa pag-flip ng mga tasa maging ang kaniyang tatlong taong gulang na anak.

Isinagawa ni Rush ang kaniyang official attempt noong Abril sa isang school assembly ng kaniyang pamangkin.

Matapos ang libo-libong pagtatangka, tuluyang na-flip ni Rush ang 10 tasa sa loob lamang ng 6.63 segundo.

Dahil dito, nalampasan niya ang dating record na 7.57 segundo.

Payo naman ni Rush sa mga taong nagsasabing madali lamang ang naturang record—subukan umano nila itong gawin.