Nanawagan ng paggalang ang lokal na pamahalaan ng Tinglayan, Kalinga sa mga bumibisita sa kanilang lugar kasunod ng ulat na isang dayuhang turista ang nagpa-tattoo kay Apo Whang-od sa maselang bahagi ng katawan.
Ayon sa LGU, nagsisilbing paalala ang insidente na hindi dapat ituring na simpleng tourist stunt, personal na hamon o social media novelty ang centuries-old na tradisyon ng Kalinga batok.
Bagama’t iginagalang ng lokal na pamahalaan ang personal na desisyon ni Apo Whang-od bilang isang mambabatok, iginiit nitong hindi nangangahulugan na awtomatikong naaangkop o katanggap-tanggap sa kultura ang anumang hiling ng isang bisita.
Ang tradisyunal na batok ay isinasagawa gamit ang tinik ng pomelo at pamalong kawayan, isang paraang nagmula pa sa mga ninuno at nagdadala ng kasaysayan, simbolismo at pagkakakilanlan ng mga komunidad sa Kalinga.
Para sa mga lokal na opisyal, nawawala ang tunay na kahulugan ng tradisyon kapag ginawa lamang itong kakaibang body art experience o palabas para sa social media.
Bukas naman ang Kalinga sa mga turista, media at content creator, ngunit binigyang-diin ng LGU na hindi dapat isantabi ang dignidad ng mga katutubo kapalit ng turismo at online content.
Sa pagbisita sa Kalinga, hindi lamang tattoo ang dapat makita—kundi ang kultura, kasaysayan at tradisyong patuloy na ipinapasa ng mga katutubo sa susunod na henerasyon.
Dahil ang tunay na paglalakbay ay hindi lamang tungkol sa mga bagay na maaari nating maranasan, kundi sa kulturang dapat nating matutuhang igalang.





