Ibinaba ng Singapore-based DBS Bank Ltd. ang 2025 GDP growth forecast ng Pilipinas mula 5.3% patungong 4.7%, kasunod ng serye ng hamon tulad ng mga bagyo, kontrobersiya sa flood control projects, mabagal na paggastos ng pamahalaan, at epekto ng US tariffs. Tugma ito sa mas mababang projection ng Department of Finance (DOF).
Ayon sa ulat ng DBS Group Research, inaasahang mananatiling mahina ang economic growth sa 2026 at 2027 sa limang porsyento, malayo sa target ng gobyerno na anim hanggang pitong porsyento.
Bagama’t may suporta mula sa malakas na consumer spending dahil sa mababang inflation at magaan na financial conditions, sinabing patuloy na humahadlang ang pinsala ng bagyo at negatibong pananaw dahil sa isyu ng korupsiyon.
Nanatili ang GDP target para sa 2025 sa 5.5% hanggang 6.5%, ngunit inamin ni DEPDev Secretary Arsenio Balisacan na mahirap itong maabot matapos bumagal sa 4% ang third quarter growth.
Inaasahan naman ng DBS ang posibleng karagdagang rate cuts mula sa BSP sa Disyembre at unang bahagi ng 2026, habang inaasahang gagamitin ang forex intervention upang mapigilan ang panghihina ng piso.





