--Ads--

Umabot na sa 76 ang nasawi sa insidente ng MV June Aster matapos makarekober ang mga awtoridad ng 41 karagdagang human remains sa naturang barko.

Ayon sa Philippine Coast Guard o PCG, batay sa ulat ng Philippine National Police Scene of the Crime Operatives o PNP-SOCO, kabilang sa mga narekober ang labi ng isang aso na sakay din ng barko.

Sinabi ni PCG spokesperson Commodore Noemie Cayabyab na ililipat sa BRP Cape Engaño ang 41 human remains sa Linggo, Setyembre 13, para sa kaukulang proseso ng identification at iba pang hakbang ng mga awtoridad.

Patuloy naman ang search and recovery operations para sa mga pasaherong hindi pa natatagpuan.

--Ads--

Batay sa ticket manifest, nasa 134 ang kabuuang bilang ng mga taong nakatalang sakay ng MV June Aster. Sa bilang na ito, 43 ang nakaligtas, 76 ang nasawi, habang 13 ang nananatiling nawawala. Dalawa naman ang nagpaalam sa mga awtoridad na hindi sila nakasakay sa barko.

Matatandaan na nasunog ang MV June Aster noong Miyerkules ng gabi, Setyembre 9, habang naglalayag sa karagatan ng Coron, Palawan.

Bago tuluyang kumalat ang apoy, iniulat ng ilang nakaligtas na nakarinig sila ng malakas na pagsabog na nagmula sa cargo hold ng barko.

Patuloy na iniimbestigahan ng mga awtoridad ang pinagmulan ng sunog at kung may naganap na anumang paglabag o pagkukulang sa operasyon ng barko.

Samantala, sinabi ng PCG na maaari pang magbago ang bilang ng mga nasawi, nawawala at nakaligtas habang nagpapatuloy ang recovery at identification operations.