Umabot na sa 90 ang mga nasawi sa pananalasa ng bagyong ‘Kristine’ ayon sa Office of Civil Defense (OCD).
Ayon kay OCD administrator Undersecretary Ariel Nepomuceno, patuloy pa nilang bineberika kung ano ang ikinamatay ng mga ito.
Sa datos ng OCD, tatlo ang nadagdag na bilang sa mga nasawi sa kanilang report mula sa 82 na kabuuang nasawi noong Sabado.
Maliban sa mga nasawi, naka-monitor din ang ahensya ng 41 ang nawawala habang 70 indibidwal ang napaulat na nasugatan.
Sa datos naman mula sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), umabot na sa 158 na kabuuang lugar ang nag deklara na ng ‘state of calamity’ pagkatapos masalanta ng bagyong ‘Kristine’.
Samantala, ayon sa Department of Public Works and Highways nitong Sabado, 21 na mga daan pa rin ang patuloy na nakasara.
Magbibigay naman ng P1.5 million na financial assistance ang ahensya ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa mga nasalanta na lugar sa Bicol Region at Calabarzon.