Puspusan na ang ginagawang paghahanda ng lahat ng delegado ng Schools Division Office (SDO) Cauayan para sa nalalapit na Regional Schools Press Conference (RSPC) na gaganapin sa Tumauini, Isabela.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Chelo Tangan, Assistant Schools Division Superentindent ng SDO Cauayan, sinabi nitong sa ngayon ay nagsimula na ang kanilang intensive training na pagpapatuloy ng kanilang nasimulan noon pang nakaraang taon.
Tatlong daang delegado ang ipadadala ng SDO Cauayan para sa iba’t ibang kategorya ng kompetisyon.
Isa aniya sa motibasyon ng mga ito ay ang suporta na ibinibigay ng paaralan maging ng lokal na pamahalaan ng lungsod.
Plano namang panatilihin ng SDO Cauayan ang pagiging National Qualifier nito pangunahin na sa TV Broadcasting kung saan sila ang naging representante ng Rehiyon Dos sa Filipino Category noong nakalipas na taon.











