--Ads--

CAUAYAN CITY – Muling tinanghal na kampeon ang delegasyon ng Cagayan sa katatapos na Cagayan Valley Regional Athletic Association (CAVRAA) meet 2023 na ginanap sa Lunsod ng Ilagan.

Sa closing ceremony kahapon ay bakas ang tuwa sa mukha ng mga atleta, coaches, trainers, opisyal ng SDO Cagayan at ilang mga magulang ng mga atleta na dumalo.

Ngayong CAVRAA 2023 ang pang-limang taon na magkakasunod na nakamit ng Cagayan sa elementary at secondary level ang titulo bilang kampeon.

Dinomina ng Cagayan ang ibang delegasyon sa pagkamit ng 105 gold, 98 silver at 101 bronze medal at nakalikom ang mga atleta ng kabuuang 304 na medalya.

--Ads--

Pumangalawa naman ang Isabela na nakakuha ng 98 gold medal, 107  silver at 127 bronze at may kabuuang 332 medals.

Pumangatlo ang Nueva Vizcaya na may 70 gold, 71 silver, 78 bronze; Santiago City na 65 gold, 60 silver, 59 bronze, City of Ilagan na may 54 gold, 50 silver, 54 bronze, Tuguegarao City na may 42 gold, 50 silver, 55 bronze; Quirino na may 35 gold, 25 silver, 46 bronze, Cauayan City na nakakuha ng 17 gold, 21 silver, 46 bronze at  Batanes na may 4 gold, 4 silver at 7 bronze.

Tinanghal naman bilang most improved delegation ang SDO Batanes.

Samantala, agad na nagsagawa ng victory party ang mga delegado ng Cagayan matapos magkampeon sa katatapos na CAVRAA meet 2023.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Edwin Tagal, Division Sports Coordinator ng SDO Cagayan na inaasahan na nila na muli silang magkampeon ngayong taon dahil sa todo suporta ang pamahalaan.

Kampeon sila sa elementary division at maging sa secondary division habang sa Football at Footsal elementary at secondary ay champion sila.

Todo suporta ang pamahalaang panlalawigan tulad ng pagbibigay sa mga atleta ng bitamina at ang kanilang pagkain ay inihanda ng Food Nutritionist at Dietician.

Nagkaroon din sila ng in-house traning bago ang kanilang pagsabak sa CaVRAA meet 2023.

Naglaan ng cash incentives ang pamahalaang panlalawigan ng Cagayan sa Team events, ang gold ay P5,000 bawat isa, P3,000 sa silver medal at P2,000 sa bronze medal.

Sa individual events ay P10,000 ang ibibigay para sa nakakuha ng gold medal, sa silver medal ay P7,000 at bronze medal ay P5,000. 

Magkakaroon ng Pre-palaro at makakatunggali nila ang ilang rehiyon sa Luzon at sinumang mananalo ay kakatawan sa Palarong Pambansa.

Tinig ni Edwin Tagal, Division Sports Coordinator ng SDO Cagayan.