CAUAYAN CITY – Nangunguna na ang mga atleta ng Cagayan habang pangalawa ang Isabela sa ginaganap na Cagayan Valley Regional Athletic Association o CAVRAA Meet 2023 sa City of Ilagan.
Mabilis humabol ang Division of Cagayan na mula sa anim na gintong medalya noong Lunes, kahapon ay mayroon nang dalawampu’t limang gintong medalya, dalawampu’t dalawang pilak at labing-anim na tanso.
Pangalawa ang Isabela na mula sa siyam na gintong medalya noong Lunes, kahapon ay mayroong nang dalawampu’t apat na ginto, labing walong pilak at labing tatlong tanso.
Nasa pangatlong puwesto ang Lungsod ng Santiago na nagtala ng labintatlong ginto, pitung pilak at tatlong tanso habang sumunod ang Nueva Vizcaya na mayroong apat na ginto, anim na pilak at labimpitong tanso.
Ang Lungsod ng Tuguegarao ay may tatlong ginto, pitong pilak at walong tanso habang ang Batanes ay may dalawang ginto, tatlong pilak at dalawang tanso.
Mayroon namang isang ginto, walong pilak at anim na tanso ang Lunsod ng Ilagan habang ang koponan ng Quirino ay may isang ginto at tatlong tanso.
Ang Lungsod ng Cauayan ay may isang pilak at apat na tanso.
Samantala, sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Dr. Jess Antonio, Chief ng School Governance and Operations Division ng DepEd Isabela na maganda ang performance ng kanilang mga atleta sa una at ikalawang araw ng CaVRAA Meet 2023
Maganda ang paghahanda ng mga atleta at simula ng kanilang laro kung saan kaagad silang nakakuha ng mga gintong medalya.
Maganda rin ang suporta ng mga opisyal ng pamahalaang panlalawigan sa mga atleta ng Isabela na kalahok sa CaVRAA Meet 2023.
Aabot sa limang daan limamput apat na atleta mula elementarya at sekondarya mula iba’t ibang paaralan sa Isabela ang kalahok sa CaVRAA 2023.
Ito ay bukod sa walumpot pitong coaches sa iba’t ibang larangan, limamput limang trainers sa iba’t ibang events, mayroon ding mga chaperon ang mga atleta at medical staff kung saan aabot sa pitong daan siyamnaput tatlo ang kabuuang delegasyon ng Isabela ang kalahok sa CaVRAA 2023.
Mayroon din aniyang nakaalalay na guidance counselors upang matiyak ang child protection sa mga batang manlalaro.
Namayagpag ang mga atleta sa Isabela sa swimming events at athletics.