--Ads--

CAUAYAN CITY – Tumaas ang demand ng medical oxygen sa rehiyon sa halos limampung bahagdan sa unang bahagi ng buwan ng Agosto batay sa monitoring ng DTI.

Sa nakalipas na mga linggo ay nagsagawa ang DTI Isabela ng monitoring activity tungkol sa suplay ng medical grade oxygen sa tatlong licensed o authorized refillers sa rehiyon.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Mark Jayson Andes, ang Trade and Industry Development Specialist, sinabi niya na may tatlong licensed oxygen refiller sa rehiyon at lahat ng mga ito ay nasa lalawigan ng Isabela partikular na sa bayan ng Ramon, Santiago City at Alicia.

Batay sa kanilang monitoring tumaas ang demand ng medical grade oxygen sa rehiyon mula unang araw hanggang ikadalawampu ng Agosto.

--Ads--

Mula sa average normal demand na 380 cylinders ay umabot sa 573 cylinders kada araw noong unang bahagi ng buwan ng Agosto

Kahit tumaas ang demand ay tiniyak ng mga licensed refillers na kaya nilang punan ang suplay ng medical grade oxygen sa rehiyon dahil kaya nilang magsuplay ng 850 na oxygen cylinders sa isang araw maliban pa sa suplay na nanggagaling sa labas ng rehiyon.

Ayon kay Ginoong Andes mula nang mag umpisa ang pandemya ay hindi nagbago ang presyo ng mga oxygen tanks na pinoproseso ng mga licensed refillers.

Nasa P380 hanggang P455 ang isang 50 pound cylinder sa mga refillers ngunit pagdating na sa mga traders ay bahagyang tataas ang presyo nito dahil sa price margin.

Tiniyak din ng mga refillers na walang mangyayaring pagtaas ng presyo ng medical grade oxygen kahit pa tumaas ang demand dahil mula nang mag umpisa ang pandemya ay ito na ang kanilang ipinataw na presyo.

Ang bahagi ng pahayag ni Ginoong Mark Jayson Andes, ang Trade and Industry Development Specialist.