CAUAYAN CITY – Kasalukuyan na ang isinasagawang School Assessment Tool ng bawat eskwelahan sa lunsod para sa pagbabalik sa face to face classes.
Matatandaang umaasa ang pamahalaang lunsod na dahil isinailalim na sa Alert Level 2 ang lalawigan ay makabalik na rin sa face to face class ang mga eskwelahan sa lunsod ng Cauayan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Schools Division Superintendent Dr. Alfredo Gumaru Jr. sinabi niya na katatapos lamang ang kanilang pulong sa mga school heads upang makita ang kahandaan ng mga eskwelahan na magsagawa ng face to face class lalo na ang mga lugar na wala nang naitatalang kaso ng covid 19.
Mayroong sampung eskwelahan ang inirekomenda ng SDO Cauayan City para makapagsimula na sa pilot implementation ng face to face class ngunit hindi napayagan dahil nasa high risk pa ang lalawigan.
Umaasa naman ang SDO Cauayan City na ang sampung eskwelahan na ito rin ang mangunguna sa expansion ng face to face classes sa lunsod.
Patuloy naman ang assessment sa iba pang eskwelahan at sakaling makita na maaari na silang magsimula ay uumpisahan na rin nila ang pilot face to face classes.
Sa susunod na linggo malalaman ang kahandaan ng mga eskwelahan at pipili ang SDO ng dalawang eskwelahan na magiging model para sa pilot implementation at makita rin kung ano pa ang kailangang ayusin bago ang pormal na pagsisimula ng face to face class.
Ayon kay Dr. Gumaru handa na ang mga guro sa lunsod dahil nasa 95% na ang nakakumpleto na ng bakuna at ang inaayos na ngayon ay ang mga pasilidad ng eskwelahan.
Hiniling naman ng SDO Cauayan City ang kooperasyon ng mga mag aaral at magulang para sa paghahanda sa pagbabalik sa face to face classes.