Puntirya ng Department of Education (DepEd) ang mahigit 32,000 bagong public school teachers sa taong 2026 upang maibsan ang siksikan sa mga silid-aralan at suportahan ang instructional recovery sa gitna ng mataas na bilang ng mga mag-aaral sa pampublikong paaralan.
Ayon sa DepEd, ang 32,916 Teacher I positions ay nakapaloob sa 2026 National Expenditure Program (NEP), alinsunod sa direktiba ng pambansang pamahalaan na palakasin ang basic education at pagandahin ang kondisyon sa mga silid-aralan.
Binanggit ni Education Secretary Sonny Angara na layunin ng recruitment plan na tugunan ang kakulangan ng mga guro na nakakaapekto sa kalidad ng pagtuturo.
Bukod sa mga guro, kasama rin sa staffing proposal para sa 2026 ang 6,000 School Principal I positions at 10,000 School Counselor Associate items upang tugunan ang kakulangan sa pamumuno at palakasin ang guidance at mental health services sa mga paaralan, lalo na sa pagtugon sa bullying at kapakanan ng mga mag-aaral.
Para mabawasan ang bigat ng mga gawaing administrative task na kadalasang pasan ng mga guro, nakapaloob din sa plano ang 11,268 Administrative Officer II (AO II) positions para sa 1:1 AO II-to-school ratio, at 5,000 Project Development Officer I (PDO I) posts para sa implementasyon ng mga programa sa antas ng paaralan.
Dagdag pa rito, inaasahan ng DepEd na ma-deploy ang 20,000 bagong teaching positions sa 2025, bukod pa sa pagpuno sa 33,052 unfilled items mula sa mga nakaraang taon.
Tinawag ni Angara na “historic” ang 2026 budget dahil sa laki ng pondong nakalaan para sabay-sabay na matugunan ang pangangailangan sa guro, suporta sa paaralan, at paghahanda sa bagong kurikulum.
Ang pinal na alokasyon para sa mga posisyong ito ay nakadepende pa rin sa pag-apruba ng 2026 General Appropriations Act na kasalukuyang dinidinig sa Kongreso.











