CAUAYAN CITY – Magkakaroon ng Regional Brigada kick-off ang Department of Education Region 2 sa Alicia National High School sa bayan ng Alicia, Isabela.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ferdinand Narciso, Regional Sports Director ng Department of Region 2, sinabi niya na bibigyan nila ng pansin ang Project Sagut o ang Genderized Comfort Room sa mga paaralan na bukas sa kahit na anong kasarian.
Sa ika-24 ng Hulyo ay matatanggap na ng Deped Region 2 ang mga donasyon na materyales at cash para masimulan na ang programa sa Alicia National High School na siyang kauna-unahang benepisyaryo ng Genderized Comfort Room.
Kumpleto aniya sa toiletries at sanitary napkins sa loob nito at gagawin din nilang kaaya-aya ang disenyo ng nasabing CR upang maging komportable ang mga mag-aaral.
Nilinaw naman niya na sa pagsisimula ng Brigada Eskwela sa ika-22 hanggang ika-27 ay hindi sapilitan ang pagtawag sa mga magulang para maglinis sa paaralan dahil ito ay boluntaryo lamang.
Paalala naman niya sa mga stakeholders na mahigpit na ipinagbabawal ang solicitation para sa Brigada Eskwela subalit bukas sila sa donasyon na makakatulong para sa mas maayos na pagbubukas ng klase ng mga mag-aaral.