Tiniyak ng Department of Education (DepEd) na magpapatuloy ang masusing imbestigasyon sa umano’y ₱100 milyong iregularidad sa Senior High School Voucher Program (SHS-VP) sa ilalim ng nakaraang pamunuan.
Sa post SONA forum, sinabi ni DepEd Secretary Sonny Angara na nagsasagawa na ang kagawaran ng mga reporma sa sistema para hindi na maulit ang naturang anomalya.
Nasa humigit-kumulang ₱65 milyon mula sa 40 sa 54 na pribadong paaralan para sa school years 2021–2022 at 2022–2023, ang na-flag dahil sa iregularidad na narekober ng DepEd.
Ayon kay Angara, tinatayang nasa 100 million pesos pa ang halaga ng anomalya sa programa kung kaya’t ipinagpapatuloy nila ang imbestigasyon at mas pinapalakas ang sistema para hindi na ito madaya.
Dagdag pa ni Angara, nagsampa na sila ng mga civil at criminal cases upang mabawi ang pondo at mapanagot ang mga responsable.
Binigyang-diin din ng DepEd chief na direktang naapektuhan ng iregularidad ang mga estudyanteng umaasa sa voucher program upang makapag-aral sa mga de-kalidad na paaralan.











