Pinalalawak ng Department of Information and Communications Technology o DICT Cauayan ang kaalaman ng mga negosyante sa pagprotekta sa kanilang online businesses laban sa iba’t ibang uri ng cyber threats sa pamamagitan ng pagsasagawa ng Cyber Balangay: Cybersecurity for Micro, Small, and Medium Enterprises o MSMEs.
Isinagawa ang nasabing pagsasanay nitong Oktubre 22 bilang bahagi ng pagdiriwang ng Cybersecurity Awareness Month ngayong Oktubre.
Dinaluhan ito ng mga business owner at student entrepreneur mula sa iba’t ibang barangay sa Lungsod ng Cauayan. Sa nakalaang 20 slots para sa programa, 17 kalahok ang aktuwal na nakibahagi sa pagsasanay.
Layunin ng programa na turuan ang mga negosyante kung paano mapoprotektahan ang kanilang mga business page, makaiwas sa iba’t ibang online scams at modus, at matiyak ang kaligtasan ng kanilang mga password at online transactions.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Beigh John Paul Alonzo, Information Officer II ng Cybersecurity Bureau, ipinaliwanag nito na nakatuon ang Cyber Balangay sa pagbibigay ng sapat na kaalaman at kasanayan sa mga MSME upang maging ligtas ang kanilang mga online selling activities at iba pang digital transactions.
Aniya, ang konsepto ng Cyber Balangay ay nakasentro sa pagtutulungan ng komunidad upang mapalawak ang kaalaman sa cybersecurity at maprotektahan ang mga negosyante laban sa mga banta sa internet.
Nagtapos ang programa sa paggawad ng mga parangal at sertipiko sa mga kalahok bilang pagkilala sa kanilang pakikibahagi sa aktibidad.
Bahagi ito ng patuloy na pagsisikap ng DICT na palakasin ang cybersecurity awareness at maisulong ang isang ligtas na digital ecosystem sa Lungsod ng Cauayan.











