CAUAYAN CITY- Umaasa ang Department of Interior and Local Government (DILG) Cauayan na mas marami na ang makakapasang barangay sa Seal for Good Local Governance.
Ngayong unang kwarter kasi ng taon ginagawa ang assessment at ang resulta naman ay iaanunsyo sa unang kwarter ng taong 2026.
Kaugnay nito ay nakatutok na ang mga kawani ng DILG kung saan masugid na binibisita at pinupuntahan ang bawat barangay.
Sa pakikipag-ugnayan ng Bombo Radyo Cauayan kay Deejay C. Mata Local Government Operation Officer III, sinabi niya na ngayong SGLG season ay masugid na pinupuntahan ang 65 na barangay sa lungsod ng Cauayan dahil noong SGLG 2024 assessment ay dalawang barangay lang partikular ang Mabantad at Labinab ang tanging nakakuha ng award.
Hangad aniya ng kanilang tanggapan na kung hindi man lahat pumasa sa SGLG for barangay, kahit mahigitan man lang umano ang dalawang barangay na huling naitala.
Dagdag pa ni Ginoong Emata, compliant naman ang bawat barangay at nakakapagsumite naman sila ng mga dokumentong kinakailangan.
Bukod dito ay regular din aniyang nagsasagawa ng clean up drive sa lungsod kaya kampante ang kanilang tanggapan na mas madami na ang makakakuha ng award sa susunod.
Ang pinaka importante lamang aniya ngayon ay tiyakin na mayroong kompletong financial documents at sumusunod sa mga ipinatutupad ng DILG.