Itinuturing bilang “no.1 most wanted” sa Pilipinas ang negosyanteng si Atong Ang, ayon kay Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla.
Kinokonsidera ni Remulla si Ang na “armed and dangerous” dahil sa pagkakasangkot nito sa umano’y pagpatay sa higit 100 katao habang may higit 20 bodyguards kahit saan pumunta.
Handa aniya ang mga otoridad na pangalagaan ang seguridad ng mga huhuli rito oras na lumaban ang kampo ni Atong.
Nag-alok na ang DILG ng P10-M pabuya para sa ikadarakip ni Ang.
Ito, ayon kay Remulla ay upang ma-pressure si Ang na sumuko at managot kaugnay ng missing sabungeros case.
Sinabi ni Remulla na nasa bansa pa rin si Ang batay sa kanilang monitoring at nagtatago sa Luzon.
Sa kasalukuyan, tanging si Ang na lamang ang akusadong hindi pa naaaresto, habang nasa kustodiya na ang 17 iba pang akusado.










