--Ads--

CAUAYAN CITY – Nagpaalala ang DILG Region 2 sa mga botante na piliin ang mga karapat-dapat na susunod na mamumuno sa kanilang lugar sa gaganaping Barangay at Sangguniang Kabataan election sa May 14, 2018.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Regional Director Jonathan Paul Leusen  ng DILG region 2, sinabi niya na bagamat maraming opisyal ng barangay ang sangkot sa illegal na gawain, nasa kamay na ng mga botante kung sino ang mga pipiliin na susunod na mamumuno sa kanilang barangay.

Ang mga residente ng barangay aniya ang mas nakakakilala sa kanilang mga opisyal, kung may mga nagawang kabutihan sa kanilang lugar o puro kontrobersiya ang kanilang kinasangkutan.

Sinabi pa ni RD Leusen na bagamat may mga opisyal ng barangay na sangkot sa illegal na droga, kailangang mapatunayang sangkot sa illegal na droga ang mga nasa watchlist ng PDEA para hindi lalabas na sinisiraan lang ng katunggali sa pulitika.

--Ads--

Sinabi pa niya na sa mga halalan sa bansa, pinaka-mainit ang halalang pambarangay.

Ayon kay RD Leusen, wala silang ispesipikong aktibidad kaugnay ng gaganaping halalan kundi ang pagbibigay ng paalala sa mga botante at opisyal ng barangay na gawinh maayos, malinis at patas ang halalan.

Mahigpit ding nagpaalala si RD Leusen sa mga kakandidato sa Barangay at SK election na iwasan ang pagbibigay ng regalo sa mga botante.

Sa April 14-20, 2018 ang paghahain ng certificate of candidacy ng mga kakandidato sa halalan.