CAUAYAN CITY- Nahaharap sa kasong swindling ang tatlong lalaki makaraang mandaya sa sabong ng mga manok sa Cauayan City.
Una rito ay dinakip at dinala sa Cauayan City Police Station ang mga suspek na sina Randy Roxas, 33 anyos na residente ng Candelaria, Quezon; Michael Taguba, 31 anyos na residente ng Minanga, Angadanan, Isabela at William Agcanas,34 anyos at residente ng Rizal, Roxas, Isabela.
Sa paunang imbestigasyon ng pulisya naganap ang pandaraya ng tatlong suspek sa loob ng isang Cockpit Arena sa Barangay Tagaran.
Napag-alaman umano ng referee ng sabungan na ang tatlo ay nagsabwatan makaraang sadyain nilang ipatalo ang kanilang panabong na manok at tumaya sa kalaban nitong manok.
Nagkasundo umano ang tatlo na pilayin ang kanilang manok upang makuha ang pusta ng kanilang kalaban.
Napansin din umano ng referee na noong bitawan ang panabong na manok ay hindi na ito lumaban pa dahilan upang ito ay matalo kaya naman idineklara niya itong draw.
Nagreklamo umano ang tatlo sa kapasyahan ng referee kaya ipinaliwanag nito na baldado ang kanilang manok.
Dahil sa hindi maawat ang tatlo ay ipinatawag sila ng pamunuan ng sabungan at ipinakita ang kuha ng CCTV na nagpapatunay na sinadya nilang pilayin ang manok.
Todo tanggi naman ang tatlo sa himpilan na pulisya at iginigiit na hindi nila magagawa ang mandaya




