--Ads--

Sinimulan na kahapon ng Pamahalaang Panlalawigan ng Isabela sa pangunguna ng Provincial Treasurer’s Office ang distribusyon ng unang batch ng forms at supplies na gagamitin sa darating na May 12 National and Local Elections.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Provincial Treasurer Ma. Theresa Araneta-Flores, sinabi niya na 274 non-accountable forms and election supplies ang natanggap ng Provincial Government of Isabela at naka-address para sa 34 municipalities sa Lalawigan, gayunman 30 lamang ang nasa tanggapan dahil hindi na kasama ang para sa Dinapigue, Palanan, Divilacan at Maconacon.

Ang dahilan ng exclusion ay dahil sa layo ng mga coastal municipalities kaya hiniling nila sa Comelec na idiretso na lamang ang delivery sa naturang mga munisipalidad.

Inaasahan naman ng Provincial Treasurer’s Office ang pagdating ng 2nd batch ng supplies kabilang ang official ballots mula sa Comelec F2 Logistic sa buwan ng Mayo.

--Ads--

Mas mainam umano sa Provincial Treasurer’s Office kung maagang darating ang mga official ballots dahil maaga rin nila itong masusuri.

Hihilingin naman ng tanggapan ang tulong ng Philippine National Police para sa seguridad habang isinasagawa ang delivery ng mga election supplies sa bawat bayan.

Mariin nilang paalala na siguruhing ligtas na makakarating sa bawat munisipyo ang mga forms at supply lalo na kapag dumating na ang mga balota.

Aniya hanggang maaari ay dapat ingatan, iwasang manakaw, masira o mabasa ang mga supply mula sa F2 logistics.

Oras na matanggap na ng mga Municipal treasurers ang mga forms, ballot at iba pang election supplies ay agad itong susuriin.

Titiyaking tama ang bilang para sa bawat clustered precincts bago ito irelease ng electoral boards at gamitin para sa halalan.

Ang responsibility at accountability sa pangangalaga ng mga supply ay nasa mandato na ng Municipal treasurers oras na malagdaan na ang acknowledgement receipt subalit hinihikayat pa rin silang magbigay ng feedback at makipag-ugnayan sa corresponding election officers.

Ipinagpapasalamat naman ni Provincial Treasurer Flores na wala pang naitatalang anumang karahasan sa Lalawigan ng Isabela at umaasang mapapanatili ang kaayusan para sa tapat at mapayapang halalan.