Itinalaga ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. si Dita Angara-Mathay bilang bagong kalihim ng Department of Tourism (DOT) ngayong Biyernes, Abril 10.
Ayon sa Malacañang, layunin ng kanyang pag-upo na mas maihanay ang sektor ng turismo sa mga programang pang-ekonomiya, makapaghatid ng mas maraming pamumuhunan, suportahan ang mga lokal na industriya, at matiyak na ramdam sa iba’t ibang rehiyon ang benepisyo ng turismo.
Ang pagtatalaga kay Angara-Mathay ay isinagawa isang buwan matapos lumabas ang ulat na posibleng siya ang pumalit sa dating DOT Secretary Christina Frasco, bagama’t hindi kinumpirma o itinanggi ng Palasyo ang naturang usapin noong panahong iyon.
Ayon sa naunang pahayag ng Malacañang, wala pang kumpirmasyon noon sa magiging pagbabago sa liderato ng DOT at hinihintay pa ang opisyal na anunsyo.
Bago ang kanyang appointment, nagsilbi si Angara-Mathay bilang commercial counselor sa Philippine Trade and Investment Center sa Tokyo, Japan, kung saan pinangunahan niya ang mga programang may kinalaman sa global partnerships para sa mga oportunidad ng mga lokal na industriya at micro, small at medium enterprises (MSMEs).
Kilala siya bilang economic diplomat na may malawak na karanasan sa kalakalan at ugnayang pang-internasyonal, gayundin sa larangan ng politika bilang bahagi ng pamilyang Angara at Mathay.











