Mananatili ang kasalukuyang presyo ng mga pangunahing bilihin hindi lamang hanggang sa Abril 16, kundi sa buong buwan ng Abril.
Inanunsyo ito ni Department of Trade and Industry (DTI) Secretary Cristina Roque sa Kapihan sa Manila Bay, kasunod ng kanilang pagpupulong kasama ang mga kinatawan ng mga manufacturer noong Lunes.
Ayon kay Roque, pumayag ang mga manufacturer na hindi muna itaas ang presyo ng mga produkto hanggang katapusan ng buwan, sa kabila ng epekto ng patuloy na pagtaas ng presyo ng petrolyo.
Kabilang sa mga produktong ito ang sardinas, corned beef, meatloaf, pinoy pandesal, sabong panlaba, at iba pa.
Pinayuhan ni Roque ang mga mamimili na kunin ang listahan ng 205 na mga produkto na kabilang sa basic necessities at prime commodities, na hindi pa tataas ang presyo, bilang gabay sa kanilang pamimili.











