--Ads--

Inapela ng Department of Energy (DOE) sa publiko na agad ipagbigay-alam sa kanila kung may mapapansing kahina-hinalang gawain tulad ng hoarding o pagtatago ng suplay ng produktong petrolyo.

Ito ay kasunod ng mga ulat na posibleng may ilang negosyante na nagsasagawa ng hoarding at profiteering sa bentahan ng petroleum products, dulot ng patuloy na tensyon at digmaan sa Middle East na maaaring makaapekto sa suplay ng langis sa bansa.

Ayon sa DOE, kung may makitang ganitong mga aktibidad, maaaring ireport ang mga ito sa kanilang Oil Industry Management Bureau, Consumer Welfare and Promotion Office, o sa kanilang mga Field Offices.

Maaari ring magsumite ng reklamo sa pamamagitan ng government hotline 8888 o tumawag sa telepono 8840-2267 laban sa mga kumpanyang tatangging magbenta ng petrolyo o magsasamantala sa pamamagitan ng manipulasyon ng presyo.

--Ads--

Nauna rito, nakatanggap ang DOE ng paunang ulat at ebidensiya mula sa kanilang mga field offices sa Luzon at Mindanao na may ilang iregularidad sa suplay ng fuel at sa paraan ng pagbebenta nito sa retail level.

Sa ilalim ng Republic Act No. 7581 o Price Act, ang hoarding at profiteering sa presyo ng langis ay itinuturing na ilegal na gawain na may kaukulang multa at posibleng pagkakakulong.