CAUAYAN CITY- Kinumpirma ng Department of Health (DOH) Region 2 na may 10 bata ang naturukan ng Dengvaxia vaccine sa rehiyon karamihan ay sa Tuguegarao City.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, nilinaw ni Ginoong Floro Orata, Information Officer ng DOH region 2 na ang Cagayan Valley region ay hindi kasama sa pilot regions ng Dengvaxia vaccine kaya hindi nagpapamigay ng bakuna ang mga lokal na pamahalaan (LGU’s).
Inihayag pa ni Ginoong Orata na ang naging pilot region ay ang Region 3, 4 at National Capital Region (NCR).
Bagamat hindi naging pilot area ang Region 2 ay may mga private doctor partikular ang mga pediatrician na nakabili ng Dengvaxia at ginagamit nila sa kanilang mga pribadong klinika.
Sinabi pa ni Ginoong Orata na may mga nagtutungo sa kanilang tanggapan at nagtatanong ukol sa epekto ng mga naturukan ng Dengvaxia at kanila namang kinukuha ang pangalan ng mga bata, edad at kompletong address ng mga bata na naturukan ng nasabing bakuna.
Wala pa naman aniyang nagkasakit ng dengue sa mga nauna nang naturukan ng Dengvaxia bagamat nagkasakit na sila ng ubo at sipon.




