Pabor ang isang doktor sa mga isinasagawang suspensyon ng pasok sa mga paaralan dahil sa mataas na heat index.
Alinsunod kasi sa Executive Order No. 6, s. 2025, suspendido ang klase sa lahat ng antas sa elementarya at sekondarya, pampubliko at pribado, sa buong Isabela ngayong araw, Abril 10, 2025, dahil sa heat index na 42°C.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Melanio Lazaro, Internal Medicine Doctor, sinabi niya na magandang initiative ito mula sa pamahalaan upang maiwasan ang mga sakit na dulot ng mainit na panahon sa mga mag-aaral.
Sa pamamagitan ng nasabing order ay makakapagplano ang pamunuan ng mga paaralan sa mga maaring gawin para maipagpatuloy pa rin ang pag-aaral ng mga estudyante kapag may suspensyon ng klase.
Aniya kahit ang heat index na mas mababa sa 42°C ay maari nang makaranas ng hindi magandang pakiramdam ang isang tao gaya ng heat stroke, heat exhaustion, heat cramps at iba pa lalo na kung mahina ang kanyang katawan.
Kapag mainit ang panahon ay otomatikong nag-aadjust ang katawan sa pamamagitan ng pagpapawis ngunit kapag hindi na nito kaya pa ang init ay dito na nagkakaroon ng komplikasyon.
Pinayuhan naman niya ang publiko na maging maingat at laging uminom ng tubig upang makaiwas sa dehydration at iba pang sakit na nakukuha kapag mainit ang panahon.