--Ads--

Nilinaw ng Department of Labor and Employment (DOLE) na walang ipatutupad na nationwide na dagdag-sahod para sa mga minimum wage earner sa darating na Labor Day sa Mayo 1.

Ayon kay DOLE Undersecretary Benedicto Ernesto Bitonio Jr., mananatiling nakadepende sa desisyon ng bawat Regional Tripartite Wages and Productivity Boards ang anumang wage adjustment para sa mga manggagawa sa iba’t ibang rehiyon.

Ipinaliwanag ni Bitonio na hangga’t walang batas na ipinapasa ang Congress of the Philippines para sa mandatoryong nationwide wage hike, ang mga regional wage board pa rin ang may kapangyarihang magtakda ng dagdag-sahod.

Magugunitang noong unang bahagi ng Marso ay nanawagan ang Trade Union Congress of the Philippines para sa P200 na dagdag-sahod para sa mga manggagawa.

--Ads--

Ayon sa grupo, kinakailangan ang wage hike dahil sa posibleng epekto sa ekonomiya ng patuloy na tensiyon sa Middle East.

Gayunman, sinabi ng DOLE na bagama’t nauunawaan nila ang hinaing ng mga manggagawa, ang anumang petisyon para sa wage increase, kabilang ang mga nakabatay sa krisis gaya ng national energy emergency ay kailangang dumaan sa regular na proseso at iskedyul ng bawat regional wage board.