--Ads--

Tinalakay sa isinagawang online learning session ng Department of Labor and Employment o DOLE region 2 ang ilang mga panuntunan para matulungan ang mga manggagawa at mga pasahero upang makaiwas sa covid 19 habang nagtatrabaho at nakasakay sa mga pampublikong sasakyan.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Chester Trinidad ang tagapagsalita ng DOLE Region 2 sinabi niya na tinalakay sa kanilang online session ang inilabas na Deparment Order 224 at iba pang panuntunan na dapat ipatupad sa loob ng mga establisimyento at pampublikong sasakyan.

Aniya nagagalak siya dahil maraming mga pribadong establisimyento ang nakilahok sa kanilang online learning session sa pamamagitan ng Zoom at facebook live.

Ayon kay ginoong Trinidad naging maganda naman ang tugon ng mga nakilahok sa kanilang online learning session.

--Ads--

Sa pamamagitan ng online learning session ay tinalakay ang pagtiyak sa kaligtasan at kalusugan ng mga manggagawa  at mabawasan ang transmission ng COVID 19.

Ipinabatid ng DOLE ang kahalagahan ng pagpapatupad ng minimum public health standards sa loob ng mga establisimyento partikular ang pagsusuot ng full face shield, face mask at pagtalima sa social distancing.

Hinihikayat ng DOLE ang mga employer na magbigay ng psycho social support para sa mga manggagawang may mental health concerns.

Kailangan ring isulong ng mga employer ang balanseng oras sa pagtatrabaho upang mabigyan ng pagkakataon ang mga manggagawa na makasama ang kanilang pamilya.

Nilinaw naman ng DOLE region 2 na sakop ng Department Order 224 o ang guidelines on ventilation for  work places and public transport base sa LTFRB memorandum circular 2020-061 o updated health protocols for public utiliuty vehicles, guide lines ng DOH at DTI, DOLE advisory number 20-03.

Sa ilalim ng kautusan ipinagbabawal ang paggamit ng circulated na hangin tulad ng Airconditioner.

Hinihikayat ang mga pampublikong sasakyan na magkaroon ng  natural ventilation o may free flow ng hangin o hindi kulob upang mapigilan ang pagkalat ng COVID 19 virus sa loob ng mga sasakyan.

Kung sakali mang hindi maaaring buksan ang mga bintana ay dapat na regular na napapalitan ang filter ng mga airconditioner upang matiyak na ligtas ang hangin na nalalanghap ng mga pasahero.

Dapat ring ipatupad ang labing limang segundong pagbubukas ng mga pintuan sa passenger exit and entry para masigurong hindi madadala sa loob ng sasakyan ang virus.

Dapat ring tiyakin ng mga tsuper at kundoktor ang pagsususot ng face mask at face shield.

Ipinagbabawal rin ang pagkain at pag-inom habang nasa loob ng pampublikong sasakyan.

Pinapayuhan ang mga pasahero na kumain at uminom bago o pagkatapos ng biyahe upang makaiwas sa posibilidad na mahawaan ng virus.

Ang bahagi ng pahayag ni Ginoong Chester Trinidad ng DOLE Region 2.