Nagtala ng bagong Guinness World Record ang isang dog pool party sa Nevada, USA matapos pagsama-samahin ang 296 na poodle mixes o “doodles” sa isang water park event.
Idinaos ang Doodlepalooza 2026 sa Cowabunga Canyon Vegas water park kung saan nagtipon ang mga aso at kanilang mga amo para sa isang araw ng paglangoy at iba pang aktibidad.
Kinumpirma ng isang kinatawan ng Guinness World Records na nabasag ng naturang pagtitipon ang dating rekord na 277 aso na naitala sa Florida noong Mayo ng taong ito.
Kasabay ng pagdiriwang ng National Dog Week, nagsilbi rin ang aktibidad bilang fundraiser para sa Doodle Rescue USA, isang organisasyong tumutulong sa mga asong nangangailangan ng rescue, foster families at permanenteng tahanan.
Ayon kay Danielle Dunker ng Doodle Rescue USA, naging pagkakataon ang pagtitipon upang pagsama-samahin ang mga pamilyang may alagang doodles habang nagpapalaganap ng kamalayan para sa kapakanan ng mga asong nangangailangan ng tulong.





