Personal na bumisita si Department of Science and Technology Secretary Renato Solidum Jr. sa ginaganap na International Smart Cities and Communities Exposition and Networking Engagement o ISCENE 2025 sa Lungsod ng Cauayan.
Dito ay tinalakay ng kalihim ang kahalagahan ng pagsasagawa ng ganitong aktibidad upang magkaroon ng kaalaman sa paglago ng isang lungsod.
Kaugnay nito, kumpiyansa ang DOST Secretary na kung sakaling mapalitan siya bilang kalihim ay maipagpapatuloy ang mga ganitong programa.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Secretary Solidum, sinabi nito na ang pag-unlad sa pamamagitan ng teknolohiya ang hinaharap ng mga bayan.
Kaya aniya, dapat natin itong yakapin at harapin lalo na sa panahon ngayon.
Giit pa niya, sakaling magbago ang liderato ng DOST ay hindi ito makakaapekto sa paglago ng isang bayan dahil yun ang hinaharap ng bawat lugar.
Aniya, ang iSCENE ay isang pagkakataon para mahikayat ang iba pang LGU’s na tularan ang iba pang mga Lungsod na maging Smart Cities.
Ang pagtahak sa adhikaing maging Smart City ay isang tuluy-tuloy na journey para sa pagpapalago sa tulong ng iba pang mga ahensya maging mga dayuhan na magpapalawak sa SMART City exposition.
Sa katunayan aniya inaasahang isasagawa na rin ang RSCENE o Regional Smart Cities and Communities Exposition and Networking Engagement at mananatiling bukas ang DOST sa pagtulong sa iba pang mga LGU na nag-nanais ng ganitong inisyatiba.











