Ilulunsad ng Department of Transportation (DOTr) ang nationwide service contracting program sa Abril 15 upang mapatatag ang kita ng mga tsuper at operator ng public utility vehicles (PUV) sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng gasolina.
Ayon sa DOTr, layunin ng programa na mabawasan ang epekto ng mataas na oil prices na nagdudulot ng limitadong biyahe at pagbaba ng kita ng mga driver at operator.
Sa ilalim ng “Net Service Contracting Program,” babayaran ang mga PUV driver at operator batay sa kilometrong nalalakbay sa halip na umasa lamang sa pasahe ng pasahero.
Nakalaan dito ang ₱1 bilyon na pondo, kung saan ₱800 milyon ay para sa land transport routes at ₱200 milyon para sa maritime services.
Makikinabang din ang mga pasahero sa 20% fare discount, habang mas pinalalaking benepisyo ang matatanggap ng mga estudyante, senior citizen, at persons with disabilities.
Ayon sa DOTr, inaasahang makikinabang dito ang libo-libong operator, libu-libong PUV units, at milyun-milyong commuter sa buong bansa.










