--Ads--

Masaya ang mga residente ng San Diego matapos ang matagumpay na pagbabalik sa Earth ng mga astronaut ng Artemis II mula sa kanilang misyon sa paligid ng buwan.

Ayon kay Bombo International News Correspondent Jay-Ar Gumpal, marami ang tumutok sa live feed ng NASA upang masaksihan ang ligtas na pagbabalik ng Artemis II capsule matapos ang ilang araw na lunar flyby mission.

Aniya, maraming residente at turista ang nagtungo sa mga dalampasigan sa California kung saan inaasahang magaganap ang splashdown ng capsule na sinasakyan ng apat na astronaut na sina Reid Wiseman, Victor Glover, Christina Koch, at Jeremy Hansen.

May ilan ding pumunta sa mga space museum at viewing centers upang doon panoorin ang live coverage ng makasaysayang splashdown, habang ang iba naman ay nanood online kasama ang kanilang mga pamilya.

--Ads--

Dagdag pa niya, ilang taon ding pinaghandaan ng NASA ang misyon bilang bahagi ng Artemis Program, na layong maibalik ang tao sa buwan at maglatag ng pundasyon para sa mga susunod pang eksplorasyon.

Ikinatuwa ng mga residente na malapit sa kanilang lugar ang naging landing site ng kapsula, dahilan upang tumaas ang interes ng publiko sa kalawakan at agham.

Dahil sa tagumpay ng misyon, inaasahang tataas din ang interes ng mga kabataan sa space science, at posibleng dumami ang mga souvenir, memorabilia, at mga laruan na may kaugnayan sa Artemis II na magbibigay-inspirasyon sa susunod na henerasyon ng mga astronaut.