Inihayag ng Department of Transportation (DOTr) nitong Martes na bababa ang ilang airport fees, kabilang ang terminal at landing fees, simula Abril 1.
Ayon sa ahensya, maaaring makatipid ang mga pasahero ng hanggang P200 sa terminal fees, habang aabot naman sa P5,000 ang maaaring mabawas sa landing fees ng mga eroplano.
Gayunman, kasabay nito ay ang pagtaas ng fuel surcharge na ipinataw ng Civil Aeronautics Board (CAB), na itinaas mula Level 4 patungong Level 8 para sa panahon ng Abril 1 hanggang 15.
Sa ilalim ng Level 8, ang mga domestic passengers ay magbabayad ng fuel surcharge na mula P253 hanggang P787, depende sa layo ng biyahe. Mahigit doble ito kumpara sa dating Level 4 na nasa pagitan lamang ng P117 at P342.
Samantala, para sa international passengers, aabot sa P835 hanggang P6,209 ang karagdagang bayarin depende sa destinasyon. Mas mataas ito kumpara sa naunang surcharge na mula P386 hanggang P2,868.
Sa kabila ng pagbaba ng ilang airport fees, inaasahan pa ring mararamdaman ng mga pasahero ang pagtaas ng kabuuang gastos sa pagbiyahe dahil sa mas mataas na fuel surcharge.











