--Ads--

Patuloy na tinututukan ng mga awtoridad sa lungsod ng Santiago ang problema sa iligal na pagpaparada ng mga sasakyan sa mga pangunahing lansangan at pampublikong lugar.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Modesto Cabanos III, Department Head I ng Department of Public Order and Safety (DPOS) ng Santiago City, hindi maiiwasan ang mga paglabag kaugnay ng illegal parking, lalo na sa mga matataong lugar.

‎Sinabi ni Cabanos na malaking hamon ang pagpapatupad ng batas kung kulang ang disiplina ng ilang motorista. Aniya, may mga pagkakataong sumusunod lamang ang ilan kapag may nakabantay na traffic enforcer ngunit muling lumalabag kapag wala na ang mga ito.

‎Binigyang-diin ng opisyal na bukod sa maigting na pagbabantay at pagpapatupad ng ordinansa, mahalaga rin ang kooperasyon at disiplina ng publiko upang tuluyang mabawasan ang insidente ng iligal na pagpaparada.

--Ads--

‎Patuloy naman ang monitoring at pagbibigay ng paalala ng DPOS sa mga motorista, kasabay ng pagpapatupad ng kaukulang multa sa mga mahuhuling lumalabag, upang mapanatili ang kaayusan at maayos na daloy ng trapiko sa lungsod.