CAUAYAN CITY – Nagpapatuloy ang mga proyekto ng DPWH Isabela 3rd District Engineering Office para sa paghahanda sa tag ulan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Information Officer Engr. Ryan James Manglicmot ng DPWH Isabela 3rd District Engineering Office, sinabi niya na may dalawa silang flood control at drainage system projects na isinasagawa sa bayan ng Naguilian pangunahin na sa Brgy. Palattao at Magsaysay.
Aniya nasa limampung bahagdan na ang natapos sa nasabing proyekto.
May nakahanay rin silang mga flood control projects sa mga bayan ng Benito Soliven, San Mariano at Angadanan Isabela.
Umaabot sa limampu hanggang walumpong milyong piso ang inilaan para sa isang flood control projects.
Ayon kay Engr. Manglicmot batay sa kanilang datos maabot naman ng tanggapan ang kanilang target na accomplishment tulad ng mga flood control projects na inaasahang matatapos sa buwan ng Hulyo o Agosto kung saan nagsimula na ang pag uulan.
Aniya kada taon din ang maintenance at rehabilitasyon ng DPWH sa mga nasirang flood controls dahil sa mga nagdaang kalamidad.
Nagpapatuloy din ang paglilinis ng kanilang maintenance routine workers sa mga drainage systems sa mga kalsada maging sa mga tulay bilang paghahanda sa palapit na panahon ng tag ulan.
Maging ang mga isinasagawang road widening ay maayos ding naipagpapatuloy.