Nagpaliwanag ang Department of Public Works and Highways o DPWH kaugnay sa pagdaan ng mga motorista sa mga bypass roads sa Cauayan City kahit hindi pa ito pormal na binubuksan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Engr. Ceasar Agustin ang Designated PIO ng DPWH 3rd District, sinabi niya na bagamat hinid pa kumpleto ang signages at ilaw ay dinadaanan na ng ilang motorista ang mga bypass roads na madalas nagiging sanhi ng aksidente sa daan nitong mga nakaraang taon.
Aniya, hindi nila inirerekomenda ang pagdaan sa mga bypass roads na hindi pa pormal na binubuksan dahil sa kakulangan ng signages at ilaw.
Dahil may mga motoristang dumaadan sa bypass roads ay sinusundan na sila ng iba pang motorista.
Paglilinaw din niya na hindi nila sakop ang bypass road sa Bayan ng Alicia kung saan naganap noong Disyembre ang banggaan ng tatlong sasakyan.
Giit niya na ito ay proyekto ng DPWH Regional Office at ang LGU Alicia ang siyang nakakasakop dito para sa monitoring.
Gayunpaman ay agad naman sila umaksyon matapos ang malagim na aksidente at naglagay ng mga karagdagang signage.