--Ads--

CAUAYAN CITY – Kinontra ng DPWH Region 2 ang akusasyon ng mga magulang ng magkapatid na bata na nasawi sa pagguho ng bahagi ng dike sa Macate, Bambang Nueva Vizcaya.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, iginiit ni Eng’r. Wilson Valdez, tagapagsalita ng DPWH region 2 na umakyat ang mga bata sa nasirang bahagi ng dike noong bagyong Rosita kaya ito bumigay.

Lumabas aniya sa kanilang imbestigasyon na matapos bumigay ang nasabing bahagi ng dike ay nahulog ang mga bata na naging sanhi ng kamatayan ng magkapatid na Jhon Mike at Justine Sean Yadao.

Aniya, hindi dapat na pinahihintulutan ng mga magulang ang mga batang edad tatlo hanggang lima na magtungo sa nasabing lugar dahil mapanganib.

--Ads--

Ayon kay Eng’r. Valdez, handang magbigay ng tulong ang pamunuan ng DPWH region 2 sa pamilya ng magkapatid na batang nasawi.

Eng’r. Wilson Valdez, spkesman ng DPWH region 2

Samantala, walang plano ang DPWH region 2 na pagpaliwanagin ang contractor ng dike dahil matagal nang nakumpleto ang construction nito.

Unang nanawagan ng tulong mula sa pamunuan ng DPWH ang ama ng mga biktima.

Ayon kay G. Jaworski Yadao, tanging nais nila ay mabigyan sila ng tulong para sa pagpapalibing sa kanyang dalawang anak.

Aniya, hindi sila dapat sisihin sa pangyayari dahil tungkulin ng DPWH na tiyaking ligtas at hindi guguho ang kanilang ipinapatayong straktura.

Ayon naman sa nasugatan at kuya ng dalawang namatay na si Kevin Joe Yadao, 11 anyos, madalas silang magtungo sa nasabing dike subalit bumigay ito matapos silang umupo sa nasirang parte ng dike na naging sanhi para mahulog at malubhang nasugatan ang kanyang dalawang kapatid na sanhi ng kanilang kamatayan.