CAUAYAN CITY – Nasamsaman ng droga at baril ang isang drayber na nahuli sa isinagawang drug buy-bust operation ng mga kasapi ng San Manuel Police Station.
Ang nadakip ay si Carl Soriano, 19 anyos, tubong-Baler, Aurora ngunit kasalukuyang naninirahan sa District I, San Manuel, Isabela.
Sa nakuhang ulat sa Isabela Police Provincial office, nagsagawa ng anti-illegal drug buy bust operation ang mga pulis ng San Manuel matapos mapag-alamang sangkot sa illegal na droga si Soriano.
Matagumpay na nakabili ng droga ang isang pulis na nagpanggap na poseur buyer.
Nasamsam mula sa suspek ang isang sachet ng hinihinalang shabu, P/500.00 na marked money, cellphone na ginamit sa transaksiyon at isang 9mm pistol na may siyam na bala.
Maging ang sinakyang traysikel ni Soriano at iba pa niyang personal na kagamitan ay kasama rin sa sinamsam ng mga pulis.




